14

May 28, 2021 @ 12:07
By

Mga PH Olympian, SEA Games athlete bakunado na

May panangga na sa COVID-19 ang bawat atletang Pinoy na sasabak sa Tokyo Olympics at Hanoi Southeast Asian Games (SEA Games).

Nagsimula na ang vaccination para sa mga atleta nitong Biyernes, kung saan kasama ang Olympian rower na si Cris Nievarez.

Nagpasalamat naman si Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino sa Inter-Agency Task Force sa pagbibigay prayoridad sa mga national athlete sa COVID-19 vaccine.

Bukod sa mga atleta ay tinurukan na rin ang ilan pang staff na sasama sa dalawang sporting event.

“Yung iba dito mga officials na kasama sa Tokyo bound kasi maraming kasama ang Olympians natin yung iba 3 coaches, nutritionist, psychologist, masseur. Marami pong kasama yan yung iba dito natin binakunahan,” ayon kay Tolentino sa TeleRadyo.

Para naman sa mga atletang nasa ibang bansa, siniguro ni Tolentino na mababakunahan na ang mga ito lalo sa mga nasa US at Europa.

“Sa ibang Olympians na nasa abroad, especially sa US and Europe, definitely they will be given in the US. Alam naman po natin na mabilis kumuha sa US,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?