By

Mga petisyon vs ML extension, pinababasura ng OSG

Sharing is caring!

Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon na kumukwestiyon sa constitutionality ng isang taong muling pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.

Ito ay sa isinumiteng kumento ng OSG sa Korte Suprema na nauna nang nag-utos ng consolidation o pag-isahin ang lanat ng mga nakabinbing petisyon laban sa martial law re-extension sa Mindanao.

Sa 63-pahinang kumento, iginiit ni Solicitor General Jose Calida na dapat mabasura ang mga petisyon dahil sa kawalan ng merito nito.

Magkaiba raw kasi ang orihinal na proklamasyon sa martial law kaysa sa pagpapalawig nito.

Anila, ang deklarasyon ng batas militar ay hakbang ng pangulo, habang ang pagpapalawig nito ay desisyon naman ng Kongreso.

“It follows that the judicial review of the proclamation of martial law is different from judicial review of the extension,” ang nakasaad sa komento.

Dahil mayroon din umanong “presumption of constitutionality” ang pagpapalawig ng batas militar, kinakailangang magprisinta ang mga petitioners ng mga katibayan para sabihin na walang batayan ang martial law re-extension.

“These Petitions rail against the extension of the martial law because Marawi has been liberated, and there is no rebellion, or the communist rebellion in Mindanao allegedly does not endanger public safety to warrant the extension and suspension,” ang bahagi ng komento.

Giit pa ng OSG, bagamat napalaya na ang Marawi mula sa mga umatakeng Maute-ISIS Group, ang Marawi ay hindi naman ang kabuuan ng Mindanao, at hindi rin nangangahulugan na ang paglaya ng nasabing lungsod ay hudyat na ng pagtatapos ng rebelyon sa Mindanao.

“The Supreme Court has already recognized in Lagman v. Medialdea that there are other rebel groups in Mindanao that have launched offensives. Because of the widespread atrocities in Mindanao and the linkages established among rebel groups, the armed uprising in Marawi cannot be equated with the rebellion in the other parts of Mindanao,” dagdag ng OSG.

Nakatakdang magdaos ng oral arguments ang Korte Suprema kaugnay sa martial law re-etension sa January 16 at 17, 2018.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, mayroong 30 araw ang Korte Suprema magmula nang ihain ang petisyon laban sa martial law para ito ay desisyunan.

Tutukuyin ng Korte Suprema kung sasapat ang mga pinagbatayang impormasyon at insidente para sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?