39
views

By

Mga petisyon sa pagkalas ng PH sa ICC, pinagsama na ng SC

Sharing is caring!

Ipinag-utos na ng Korte Suprema ang consolidation ng mga petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC).

Kasama ito sa mga napagdesisyunan sa deliberasyon ng Supreme Court (SC) En Banc para pagsamahin na ang dalawang petisyon kontra sa naging desisyon ng Duterte administration na kumalas na sa Rome Statute.

Dahil dito, sabay nang tatalakayin ng mga mahistrado ang 51-pahinang petisyon ng Philippine Coalition for the International Criminal Court o PCICC at ang petisyon ng ilang senador mula sa oposisyon na humihirit na idekladang null and void ang pagkalas ng pamahalaan sa ICC.

Kabilang sa mga opposition senator na ito sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Franklin Drilon, Paolo Benigno “Bam”Aquino, Leila de Lima, Risa Hontiveros, at Antonio Trillanes IV.

Tumatayo namang respondents sa kaso sina DFA Secretary Alan Peter Cayetano, Executive Secretary Salvador Medialdea, UN Ambassador Teodoro Locsin Jr., at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.

Nauna nang nagtakda ang SC ng oral arguments para sa isyung ito na gagawin sa Hulyo 24, 2018.

Naniniwala ang mga petitioner na nagkaroon ng pagmamalabis ang Pangulo at nilabag ng Duterte administration ang 1987 Constitution nang bigla na lang itong magdesisyon na kumalas sa Rome Statute sa kabila nang walang pagsang-ayon ng Senado.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na nagdesisyon ang Pangulo na kumalas sa Rome Statute dahil nilabag anila ng prosecutor ng ICC ang prinsipyo ng ICC o principle of complementarity na kikilos lamang ito kapag wala nang umiiral na lokal na hukuman sa bansang miyembro ng Rome Statute.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?