251

Dec 15, 2017 @ 16:47
By

Mga pekeng produkto na galing China, nasamsam sa Pasay

Mahigit kalahating bilyong piso ng mga pekeng produkto na umano’y galing ng China ang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa sampung warehouse unit sa Cuneta Avenue sa Lungsod ng Pasay.

Ang operasyon ay pinangunahan ng mga miyembro ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at ng Enforcement and Security Service (ESS).

Natagpuan sa mga warehouse ang kahon-kahong pekeng mga produkto ng Nike, Adidas, Under Armour at Vans at Crocs sandals.

Kasama rin sa mga nasamsam ang mga non-branded na relo at sapatos na wala palang mga import permit.

Ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na produkto ay nasa P521.93 milyon.

Ayon kay Deputy Commissioner Ricardo Quinto ng Intelligence Group, ikinasa ang operasyon matapos silang makatanggap ng tip o impormasyon mula sa isang concerned citizen.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng Letter of Authority na inisyu ni BOC Commissioner Isidro Lapeña.

Sumama rin sa operasyon ang mga miyembro ng BOC-Intellectual Property Rights Division at mga examiner mula sa Formal Entry Division.

Nadatnan sa warehouse ang administrator nito na si Lita Liao na nagsabing ang mga warehouse unit ay inupahan ng mga indibiduwal na nagngangalang Mr. Ang, Mr. Gee, at Mr. Ty.

Nakatakda namang sampahan ng BOC ng reklamong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act in relation to Republic Act 8293 o Intellectual Property Code ang mga umupa sa mga warehouse unit kung saan nasamsam ang mga kontrabando. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?