117

Mar 1, 2020 @ 15:51
By

Mga PDP solon ipapagpag ng mga bata ni Cayetano

Binabalak na umano ng mga mambabatas na dikit kay House Speaker Alan Peter Cayetano na ipagpag ang mga kongresistang kasapi ng ruling PDP-Laban party sa kanilang mga hinahawakang poder sa Kamara upang hindi na makaporma si Marinqduque Rep. Lord Allan Velasco.

Base sa mga sumbong ng natanggap ng Abante sa ilang congressional insider ang umiinit na batuhan ng putik mula sa kampo nila Cayetano at Velasco dahil sa isyu ng tangkang kudeta umano ng kongresista mula sa Marinduque ay nagiging sanhi ng ‘too much uncertainty’ sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“We don’t want to be dragged into this political bickering and maneuvering. What we want is to carry out our mandate and do our job,” giit ng isang mambabatas na nakiusap na huwag pangalanan sa takot na balikan ng tropa ni Cayetano.

“But how can we do this? The House is in chaos,” dagdag pa ng kongresista.

Dahil sa umiinit na iringan, malakas ang usap-usapan sa mga kongresista na nanganganib na posibleng alisan ng committee chairmanship at pagiging deputy speaker ng mga mambabatas na kaanib sa PDP partido ni Pangulong Rodrigo Duterte at kinabibilangan din ni Velasco.

Giniit nitong Huwebes ni Cayetano na nabisto umano niya ang tangkang pagpapatalsik sa kanya bilang Speaker ng Kamara ng grupo ni Velasco na karamihan ay kasapi ng PDP. Agaran namang itinanggi ng Marinduque congressman ang paratang ni Cayetano.

Sa 62 PDP member sa Kamara, 19 ang binigyan ng committee chairmanship ng mag-umpisa ang 18th Congress noong Hulyo.

Iniulat ng Abante nitong Huwebes na ginagapang din umano ng mga galamay ni Cayetano na mapatalsik sa puwesto si Davao City Rep. Isidro Ungab bilang chairman ng makapangyarihang House committee on Appropriations matapos umanong ibuking sa Malacañang ang tungkol sa P80-bilyong halaga ng congressional alignment na nakapaloob sa P4.1-trilyong national budget para sa taong kasalukuyan.

Kilalang malapit si Ungab kay Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.

Nanggalaiti umano ang loyal sidekick ni Cayetano na si Deputy Speaker for Finance Luis Raymund ‘LRay’ Villafuerte nang malaman na si Ungab ang dahilan kung bakit pinigil ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P80 bilyong halaga ng congressional alignment na nakapaloob sa 2020 budget.

Si Ungab umano ang nagsumbong kay Budget Sec. Wendel Avisado tungkol sa multi-bilyong insertion at park fund na kagagawan ng mga galamay umano ni Cayetano sa pangunguna ni Villafuerte sa bicameral conference committee hearing noong nakaraang Disyembre.

May P8 bilyong si­ngit pork umano si Villafuerte sa 2020 General Appropriations Act (GAA) nang lagdaan ito ni Pangulong Duterte.

Ang P80-bilyong allotment na pinigil ng Malacañang ay bahagi ng P95.3-bilyong alokasyon na na-veto ni Duterte nang lagdaan nito ang 2019 budget noong isang taon.

Sina Ungab at Avisado ay kilalang malapit sa isa’t isa na at kapwa galing sa local government ng Davao City — na nagsilbing konsehal at city administrator ayon sa pagkakasunod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?