21

Oct 1, 2021 @ 16:35
By

Mga patawag ni Gordon sa Senado, ibo-boykot ng ehekutibo

Hindi na papayagang sumipot sa Senado ang mga opisyal ng ehekutibo na ipapatawag sa ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ni Senator Richard Gordon.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People kasunod ng sinabi ng Senador na “until kingdom come” o magpapatuloy ang kanyang ginagawang imbestigasyon hanggang sa katapusan ng mundo.

Sinabi ng Pangulo na “undemocratic” ang tinuran ng senador at posibleng magdulot ng krisis dahil malinaw na mayroong abuse of discretion.

Inatasan na ng Pangulo si Executive Secretary Salvador Medialdea para mag-isyu ang isang executive order para huwag sumunod sa mga patawag ng senado.

“I have ordered Secretary Medialdea to prepare the — I will issue a memorandum na lahat ng nasa Executive Department will no longer obey your summons kasi kingdom come ka. Kailan mo matapos,” anang Pangulo.

Lumalagpas na umano sa hurisdiksiyon ang senador at malinaw na mayroong pang-aabuso sa ginagawa nito sa kanyang imbestigasyon.

“You are overstepping your jurisdiction on this. There is an abuse of discretion already. This is not an acceptable statement in a democracy. We are run by laws and rules and you cannot do that for us to wait for kingdom come,” dagdag ng Pangulo.

Umaakto aniyang Diyos si Gordon dahil sa paggamit nito ng “kingdom come dahil ang unang gumamit ng ganitong pahayag ay si Hesukristo.

“Dalawa lang kayong nagsabi niyan “kingdom come”, si Hesukristo pati na ikaw. Na-realize mo ba yan? That’s one of the statement of Jesus Christ when he was here with us dito sa planeta, pati ikaw. So you are playing God,” wika ng Pangulo .

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?