mrt
By

Mga pasahero na sasabotahe sa MRT operations, kakasuhan na

Sharing is caring!

Pinakakasuhan na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur ‘Art’ Tugade ang pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) na gumambala sa operasyon ito nang nagpumilit itong buksan ang pintuan ng tren nu’ng Biyernes ng alas-8:01 ng umaga.

Inutusan ni Tugade ang pamunuan ng MRT na kilalanin ang salarin para makasuhan ito.

At simula ngayon aniya, pakakasuhan niya sa MRT ang sinumang pasaherong mang-iistorbo sa operasyon nito at sisingilin ng danyos.

“Lahat ng mahuhuling sumasandal o nagpipilit magbukas ng pinto ng tren kahit sarado na, kasuhan,” sabi ni Tugade.

“Maraming naaabala sa kawalan ng disiplina.”

Sabi ni Tugade, ‘yung pasaherong ‘yun ang may kasalanan kung bakit pumalya ang pintuan ng southbound na tren sa Santolan-Annapolis Station kaya’t kinailangang pababain ang halos 1,000 pang mga pasahero nito.

Sabi niya, ito ang unang kaso ng kinailangang magpababa ng mga pasahero ang MRT sa loob ng 11 araw. Bago ito mangyari, maayos ang takbo ng MRT at walang naistorbong mga pasahero simula pa ng Abril 2.

Sabi ni Tugade, hindi ito isyu na kulang sa parts ang tren kundi may nagpumilit pumasok kahit sarado na ang pinto.

Naisakay ang mga pinababang pasahero sa ibang tren apat na minuto pagkatapos silang pababain. Sabi ng MRT, 15 hanggang 17 tren ang pinaaandar nila araw-araw dahil dumating na ang mga spare part at nagkaroon sila ng general maintenance nu’ng Semana Santa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?