7

Jul 24, 2020 @ 15:11
By

Mga pari, madre naghain ng petisyon vs. anti-terror law

Kabilang ang mga madre at pari sa paparaming bilang ng mga grupo na ligal na hinahamon ang anti-terrorism law.

Nanguna si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa 20 religious leader na naghain ng ika-18 Petition for Certiorari and Prohibition laban sa Republic Act 11479 o sa Anti-Terrorism Act of 2020.

May mga petitioner din mula sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), United Church of Christ in the Philippines, National Council of Churches in the Philippines, Episcopal Church in the Philippines, at Rural Missionaries of the Philippines.

Hiniling nila na maglabas ang Supreme Court ng temporary restraining order para pigilan ang government-respondents na ipatupad ang batas.

Sinabi rin nila sa SC na inaakusahang komunista ang mga tao, kabilang ang mga deboto, na aktibo sa iba’t ibang social advocacy.

Pinunto nila na mahalagang elemento ng simbahan ang pakikiisa sa mga isyu na naaapektuhan ang mahihirap.

Mayroon din anilang mga church leader na binansagang “enemies of the state” dahil lang sa pagpuna nila sa mga hakbang ng gobyernong Duterte.

Bago ang paghahain ng petisyon, naglabas na ng pastoral letter ang CBCP na tinutuligsa ang anti-terrorism law.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?