By

Mga pamilya ng Maguindanao massacre victims, nagpasaklolo kay Duterte

Sharing is caring!

Dahil walang napala sa loob ng walong taong paghihintay, nagpasaklolo na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ng mga journalists na biktima ng Maguindanao massacre.

Nakipagkita kahapon kay Pangulong Duterte ang ilang pamilya para hilingin na mapabilis ang paghahanap ng hustisya sa karumal-dumal na pagpatay sa kanilang mahal sa buhay.

Kahapon ay ginunita ang ika-walong anibersaryo ng malagim na Maguindanao massacre at patuloy na humihingi ng hustisya ang pamilya ng mga biktima dahil hanggang ngayon ay wala pa ring nahahatulan at napaparusahan sa mga utak ng karumal-dumal na krimen.

Ayon kay ginang Noemi Parcon, mailap pa rin ang hustisya sa kanila dahil bigo silang makamit ito sa nakalipas na administrasyon.

Umaasa ang pamilya ng mga biktima na sa ilalim ng Duterte administration ay makakausad ang kanilang kaso at mahahatulan ang mga responsable sa Maguindanao massacre.

“It’s been eight years nu’ng nangyari ‘yun pero masakit pa rin. Although we have moved on but the search for justice is still there. During the time of the previous administration, we are hoping na bago bumaba si PNoy, makamit namin ‘yung hustisya na hinihingi namin para sa aming mga mahal sa buhay. Pero hindi ‘yun nangyari.

“Noong manalo si President Rodrigo Duterte, nagkaroon kami ng pag-asa, dahil alam namin na ‘yung kanyang campaign against drugs would really help na mapabilis ‘yung takbo ng kaso, dahil alam namin na nagawa ‘yun ng mga Ampatuan, nasa influence sila ng drugs. ‘Yung sa amin lang po, bago sana bumaba ‘yung ating bagong Pangulo, mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aming mga mahal sa buhay,” pahayag pa ni ginang Parcon.(Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?