316

Nov 23, 2017 @ 17:16
By

Mga palengke sa Maynila, bantay-sarado na sa bawal na paputok

Upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga Manilenyo, sinimulan na ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang pagbabantay sa mga palengke laban sa pagbebenta ng mga iligal na paputok.

Inatasan na ni Estrada ang Market Administration Office (MAO) na paigtingin ang pagmomonitor sa 17 public markets sa lungsod kasabay ng papalapit na Kapaskuhan at Bagong Taon..

“This early, we should start a close surveillance of our markets and strictly remind the vendors that they could be penalized for selling prohibited firecrackers as mandated by the law,” ani Estrada.

Tinutukoy nito ang Republic Act 7183.

Ang naturang batas ang nagre-regulate ng pagbebenta at distribusyon ng 10 klase ng paputok at 12 klase ng mga pyrotechnic devices.

Ang mga paputok na hindi nakalista sa naturang batas tulad ng “Super Lolo” at “Big Triangulo” ay kinokonsiderang iligal.

Tinukoy din ni Estrada ang Executive Order No. 28 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Hunyo 20 na naglilimita sa paggamit ng mga paputok sa mga community fireworks displays lamang.

Ayon kay Estrada, hinihintay pa rin ng lokal na pamahalaan ang Philippine National Police (PNP) na maglabas ng bagong listahan ng mga pinagbabawal na paputok at pailaw base sa EO 28.

“While we are waiting for the guidance of the PNP, we will continue monitoring our public markets following the provisions of RA 7183,” ani Estrada.

Base sa EO 28, ang PNP ang naatasang maglabas ng mga criteria sa mga pinagbabawal na paputok at pailaw sa loob ng 30 araw matapos magkabisa ang naturang executive order.

Ayon kay Estrada, pipilitin nilang mapanatili ang “zero casualty” record ng Maynila tuwing Bagong Taon.

Nitong nakaraang tatlong taon aniya ay patuloy ang pagbaba ng firecracker-related injuries dahil sa determinadong kampanya ng lokal na pamahalaan.

Base sa ulat ng Manila Health Department (MHD), umabot sa 700 katao ang tinamaan ng iba’t ibang paputok noong 2013; 500 noong 2014; at 300 noong 2015. Nitong 2016 ay 81 lang ang naitalang kaso sa buong lungsod.

Ayon kay MAO chief Annie Balboa, nakikipag-ugnayan na sila sa Manila Police District (MPD) at sa mga kinauukulang barangay para sa operasyong ito. Nag-iikot na aniya ang mga inspectors at market administrators.

“Bawal na talaga, kukumpiskahin na talaga ng mga inspectors natin ‘yan,” babala ni Balboa.

Aniya, ang sinumang mahuhuling nagbebenta ay maaaring pagmultahin ng mula P20,000 hanggang P30,000 at ikulong ng mula anim na buwan hanggang isang taon base sa RA 7183.

Ayon pa kay Balboa, kakailanganin nila aniya ang tulong ng MPD sa paghuli sa mga vendors na nagbebenta ng mga iligal na paputok sa mga bangketa.

Nanawagan din si Balboa sa publiko na tumawag sa MAO sa numerong 310-57-73 kapag may nakita silang mga indibiduwal na nagbebenta ng mga iligal na paputok.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?