7

Feb 26, 2021 @ 10:02
By

Mga pagyanig na naitala sa Taal dumami

113 yugto ng volcanic tremor ang naitala sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Isa hanggang 34 minuto ang tinagal ng bawat pagyanig,

“Sa kabila nito, mayroon lamang mahinang pagsingaw mula sa mga fumaroles o gas vents sa Main Crater,” saad pa sa 8 a.m. bulletin ng Phivolcs, Pebrero 26.

Sinabi rin ng Intitute na huling nasukat ang mataas na temperatura sa lawa ng main crater noong Peb. 12 at Peb. 18.

Kahapon, nagtala ng 69 yugto ng volcanic tremor sa parehong bulkan na tumagal mula 1 hanggang 61 minuto.

Pinaalalahanan naman ng Phivolcs ang publiko na kasalukuyan pa ring nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal.

“Sa Alert Level 1, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island o TVI,” batay sa ahensiya.

“Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS na maigting na ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng bulkang Taal, lalung-lalo na sa may gawi ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure.”

“Ang mga lokal na pamahalaan ay hinihikayat na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal kung sakali mang magkaroon ng panibagong pag-aalboroto ang bulkan,” dagdag nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?