190

Nov 3, 2017 @ 15:30

Mga packages, atrasado ngayong holiday season – PhilPost

Ngayon pa lang ay humihingi na ng paumanhin ang Philippine Post Office (PHLPost) sa publiko na makakaranas ng pagkakaantala ng kanilang mga inaabangang padala o package ngayong holiday season.

Ito ay sa harap nang pagdagsa ng mga padala, partikular na iyong mga parcels o packages na may halagang P10,000 pababa ang mga laman.

Paliwanag ni Assistant Postmaster General Luis Carlos, malaki ang naging epekto ng pagbaba ng Department of Finance (DOF) sa “de minimis” o iyong pinakamababang halaga ng mga gamit na ipapadala para maging tax-free ang shipping nito sa Pilipinas.

Mula kasi nang ipatupad ang mas mababang de minimis isang taon na ang nakalilipas, mas marami na aniya ang mga pumapasok na “e-commerce packets” o mga online purchases na patingi-tingi ang laman.

Paliwanag ni Carlo, dahil malapit na ang holiday season tiyak na mas marami na ang umoorder ngayon at mangangailangan ng shipping kaya inaasahang babagal na ang pag-proseso sa mga ito.

Aniya, maaring umabot sa isang buwan ang pagkakaantala ng pag-release ng mga package pagdating nito sa bansa.

Kaya naman panawagan ng PHLPost sa mga taong tatanggap ng mga package ay habaan pa sana ang kanilang mga pasensya at pang-unawa. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?