90

Oct 20, 2017 @ 12:59

Mga paaralan, unahin sa Marawi rehabilitation

Sa eskuwelahan mas mabilis na huhupa ang trauma ng mga kabataan na dulot ng giyera sa Marawi City.

Kaya naman nanawagan si Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles sa gobyerno na bigyang-prayoridad ang pagkukumpuni ng mga nasirang eskuwelahan o ‘di kaya’y pagtatayo ng bagong paaralan sa Marawi City.

Ginawa ni Nograles ang apela sa gitna ng paghahanda para sa rehabilitation at reconstruction ng lungsod.

Binanggit ng kongresista na sa nakaraang pagdinig ng House Muslim Affairs, napag-alamang 18 sa 69 na eskuwelahan sa lungsod ang nagtamo ng matinding sira habang 10 ang tuluyang nawasak sa bakbakan.

Naniniwala si Nograles na ang pagbabalik sa paaralan ng mga guro at estudyante ang pinakamahusay na paraan para maibalik sa normal ang pamumuhay sa Marawi City.

“Let us not forget to give focus on the needs of pupils and teachers when we finalize the Marawi City Rehabilitation and Reconstruction Plan, which will serve as the blueprint for Marawi’s return to glory,” ayon kay Nograles.

“This will soothe the scarred spirit of the youth and speed up the city’s own healing,” dagdag pa ng kongresista. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?