152

Jan 22, 2020 @ 13:06
By

Mga paaralan pinag-iingat sa banta ng coronavirus

Kailangang siguruhin ng Department of Education o DepEd ang kaligtasan ng mga paaralan mula sa banta ng bagong coronavirus na tumama na sa mahigit dalawang daang (222) katao sa apat na kapitbahay nating bansa sa Asya: ang China, Japan, South Korea, at Thailand.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, importanteng maging handa ang mga paaralan upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.

Sinabi niya ito matapos ihayag ng Department of Health (DOH) ang isang pinaghihinalaang kaso ng novel coronavirus o 2019-nCoV na inoobserbahan sa isang limang-taong gulang na batang lalaking lumipad mula sa Wuhan, China patungong Cebu City.

Nakita sa bata ang ilang sintomas ng trangkaso na nauugnay sa 2019-nCoV, kabilang ang lagnat at ubo.

Maaaring maipasa sa pamamagitan ng person-to-person contact ang 2019-nCoV na unang naitala sa Wuhan City noong Disyembre 31, 2019.

Ayon sa Research Institute for Tropical Medicine, negatibo sa MERS-CoV at SARS-CoV ang batang pasyente ngunit nag-positibo ito sa isang uri ng coronavirus na hindi pa matukoy sa ngayon.

Bagama’t humupa na ang lagnat ng pasyente, kinunan ang bata ng specimen sample na pinadala sa Australia upang matukoy kung anong uri ng coronavirus ang tumama rito.

Ayon pa sa senador, mainam nang gawin ng DepEd ang lahat ng hakbang tulad ng pagpapalaganap ng impormasyon at maigting na pagturo ng kalinisan sa mga mag-aaral.

“Sa ating pangambang makapasok itong bagong coronavirus sa ating bansa, mabuti nang maging sigurado tayo dahil ang isang kumpirmadong kaso ng coronavirus na ito ay pwedeng maikalat sa iba pa,” sabi ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?