16

By

Mga ospital ng gobyerno sa Northern Luzon, naka-code white alert na dahil sa bagyong ‘Ompong’

Sharing is caring!

Naka-standby na ang mga emergency response team ng Department of Health (DOH) bilang paghahanda sa bagyong ‘Ompong’.

Ayon sa DOH, nagpalabas na rin sila ng mga health advisory at maaga nang nagpakalat ng mga gamot sa mga istratehikong lugar sa mga probinsya na inaasahang tatamaan ng bagyo.

Tinukoy ng DOH na mayroon pang P42 million na halaga ng mga logistic na nasa punong tanggapan ng DOH na nakahanda ring ipakalat sakaling kailanganin.

Inilagay na rin ng DOH sa code white alert ang mga ospital ng gobyerno sa Region 1 at Region 2 para paghandaan ang posibleng outbreak ng mga sakit dahil sa pinangangambahang paghagupit ng bagyo.

Inaasahan kasing magdudulot ng pagbaha ang ulang dala ng bagyo at kung sakali, maaaring tumaas na naman ang kaso ng leptospirosis, dengue, diarrhea at cholera.

“Pakiusap namin sa mga magulang, kasi po kapag talagang nagtampisaw ang bata sa tubig na marumi, ang lahat ng sakit ay nandoon na. Mayroong bacteria, mayroong fungus, may virus katulad ng leptospirosis,” paliwanag ni Health Undersecretary Eric Domingo.

Kaugnay nito, may apela ang opisyal sa publiko.

“Ang water supply natin maaring ma-contaminate iyong pinagkukuhanan ng tubig lalo na iyong mga gagamitin na inumin or gagamiting pantimpla ng halimbawa ipapainom sa mga bata. Common din ang mga sakit na gastroenteritis, hepatitis at may mga mas grabe pa katulad ng typhoid (fever) at cholera,” dagdag ni Domingo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?