26

Jan 3, 2022 @ 16:43
By

Mga ospital na nagbantang kakalas sa PhilHealth kumambiyo – Nograles

Sinuspinde ng ilang pribadong ospital ang kanilang planong pagkalas sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa mga hindi nabayarang atraso ng ahensiya.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na nakikipag-usap na ngayon ang mga pribadong ospital sa PhilHealth para mag-avail sa Debit-Credit Payment Method (DCPM) at makakubra sa kanilang sinisingil sa ahensiya.

Malaki aniya ang pondong ibinibigay ng Philhealth sa third wave ng DCPM na umaabot sa 60% mula sa sinisingil ng mga hospital at ang natitirang 40% ay makukuha ng mga ito sa sandaling makumpleto nila ang mga dokumento.

“The hospitals who earlier threatened a PhilHealth holiday have suspended those plans because now they are back in conversation with PhilHealth and back to availing of the wave three of DCPM,” ani Nograles.

Bilyon-bilyong piso ang hindi pa umano nakukubra ng mga pribadong ospital sa Philhealth sa kabila ng mga panawagang bayaran na sila kaya nagbantang hindi na sila magre-renew ng kanilang kontrata sa ahensiya.

Nanawagan naman si Nograles sa iba pang hospitals na mag-avail sa DCPM3 para makakuha ng pondo sa Philhealth at huwag isangkalan ang pagtangging tumanggap na ng mga pasyente dahil ang kawawa aniya ay ang mga maysakit na pasyente at hindi naman ang Philhealth.

“So right now, that issue, I believe, has been resolved through the DCPM 3 which hospitals are now processing and that would give them fresh funds. I believe it’s 60% agad, the 40% to follow after they comply with all of the requirements. And that DCPM payment method is being done so that magkakaroon na naman ng liquidity or fresh funds ang hospitals to be able to fund their operations,” dagdag ni Nograles.

Matatandaang mahigit sampung hospitals sa Iloilo ang nagbantang kakalas na sa Philhealth dahil sa bilyon bilyong piso umano ang hindi pa nababayaran sa kanila ng ahensiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?