43

Jan 11, 2022 @ 18:24
By

Mga ospital babayaran ng PhilHealth sa loob ng 6 buwan

Nangako ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na babayaran nito ang P25.45 bilyong claim ng iba’t ibang ospital sa loob ng anim na buwan.

Sa briefing ngayong Martes ng House Committee on Health na pinamumunuan ni Quezon Rep. Angelina Tan, nagtanong si Marikina Rep. Stella Luz Quimbo kung kailan mababayaran ng PhilHealth ang mga ospital.

“Madam chair specific na lang na commitment kung magkano ang babayaran? When?” tanong ni Quimbo.

Sagot naman ni PhilHealth President Atty. Dante Gierran magbabayad ang ahensya ng P25.45 bilyon sa mga ospital sa loon ng anim na buwan.

“We have to pay this in six months time,” sabi ni Gierran.

Ayon naman kay PhilHealth Executive Vice President Eli Dino Santos ang mga ospital ay babayaran sa pamamagitan ng Debit-Credit Payment Method (DCPM), ang mekanismo na ginamit ng PhilHealth upang mabayaran ang mga Health Care Facilities (HCF) sa gitna ng pandemya.

Sa pamamagitan ng DCPM ay mababayaran umano ang mga ospital kahit pinoproseso pa ang reimbursement claim nito.

Sa kasalukuyan ay P12.06 bilyon na umano ang naibayad ng PhilHealth sa ilalim ng DCPM.

Ang kakulangan umano ng claim processor at kahinaan ng information technology ang dahilan kung bakit nade-delay ang pagbabayad at pagproseso ng mga claim ng mga ospital.

Noong 2020, umabot sa 9.32 milyong claim na nagkakahalaga ng P92.6 bilyon ang prinoseso ng PhilHealth. Sa bilang na ito ay 515 milyong claim na nagkakahalaga ng P7.5 bilyon ang may kaugnayan sa COVID-19.

Noong nakaraang taon ay 11.19 milyong claim ang inihain sa PhilHealth. Nagkakahalaga ito ng P135 bilyon. Sa naturang bilang 3.74 milyon na nagkakahalaga ng P66.2 bilyon ang may kaugnayan sa COVID.

Nauna ng nagbanta ang mga pribadong ospital na kakalas sa PhilHealth dahil hindi umano nababayaran kaagad ang kanilang mga inabono.

Kung hindi na accredited ng PhilHealth ang isang ospital, ang mga pasyente nito ang maglalakad ng mga papeles para makakuha ng reimbursement sa PhilHealth. Kailangan naman nilang bayaran ang lahat ng gastos sa ospital.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?