75

Mar 17, 2020 @ 15:15
By

Mga ordinaryong manggagawa, bigyan din ng ayuda – Poe

Hinikayat ni Senadora Grace Poe ang gobyerno na isama ang mga nasa informal sector workforce sa pagpapatupad ng kanilang programa para mabawasan ang epekto sa kanila ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pinaalalahan ni Poe ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infections Disease, na humahawak ngayon sa coronavirus crisis, na ang mga nasa informal economy ang labis na naapektuhan ng krisis.

“’Yung mga nangongolekta ng basura, nagbebenta ng taho at fishball, pati na rin ang mga tricycle at jeepney driver, street sweeper at construction worker – sila ang pinakatatamaan ng enhanced community quarantine,” sabi ni Poe.

“Kung hindi sila makakapagtrabaho ay wala rin silang ipapakain sa kanilang pamilya,” punto pa ng senadora.

Ginawa ni Poe ang panawagan matapos ihayag ng economic team ng gobyerno na naghahanda sila ng P271 bilyon package para tulungan ang mga frontliner na makontrol ang pagkalat ng naturang sakit.

Magbibigay din ang gobyerno ng economic relief sa mga sektor na naapektuhan ng pandemic na ito.

Samantala, nanawagan naman si Senador Francis Pangilinan sa gobyerno na tiyakin makakarating mga mahihirap na pamilya ang pagkain, malinis na tubig, gamot at iba pang suplay na kinakailangan nila sa panahong ng coronavirus crisis.

Dapat din aniyang ikonsidera ng pamahalaan na bilhin ang mga food item ng mga lokal na magsasaka para sa kanilang relief operation.

“This should not be hard with adequate production of rice, vegetables, and other agricultural products by Filipino farmers. Otherwise, they will go to waste and rot away due to the lockdown,” sabi ni Pangilinan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?