102

By

Mga opisyal ng MWSS, ipinatawag sa Malacañang

Nakatakdang humarap kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ang mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ngayong gabi.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nais malaman ni Pangulong Duterte ang status ng suplay ng tubig sa Metro Manila matapos ang naranasang kunsumisyon ng mga residente sa ilang lugar dahil sa kakapusan nito.

Ayon kay Panelo, nakatakdang humarap sa Pangulo ang mga opisyal ng MWSS officials mamayang alas-sais ng gabi (Marso 19) at inaasahang magbibigay ng report ang mga opisyal sa sitwasyon sa water supply pati na ang ginagawang hakbang para hindi na maulit ang nangyaring krisis sa tubig nitong nakalipas na linggo.

Gayunman, hindi masabi ni Panelo kung kasama sa mga ipinatawag ang mga opisyal ng dalawang water concessionaires na Manila Water at Maynilad.

Sinabi ng kalihim na kasama siya sa gaganaping pulong at nangakong magbibigay ng impormasyon sa mga posibleng mapag-usapan.

Nauna rito ay iniutos ng Pangulo na magpalabas ng tubig sa Angat Dam at tiyaking may sapat na suplay ng tubig ang mga taga-Metro Manila na aabot ng hanggang 150 araw.

Kapag hindi aniya masolusyonan ang problema sa suplay ng tubig ay personal na pupuntahan ng Presidente ang mga opisyal sa kanilang mga opisina para panagutin ang mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?