10

By

Mga opisyal ng Comelec, PNP nag-ikot sa mga checkpoint

Sharing is caring!

Kasabay ng pagpasok ng election period, umarangkada na rin ang mga Comelec checkpoint sa layuning matiyak na naipatutupad ang election gun ban.

Ang pagsisimula ng mga checkpoint, personal na pinangasiwaan nina Comelec Chairman Sherrif Abas, PNP Chief Director General Oscar Albayalde at NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar.

Sama-samang tinungo ng tatlong opisyal ang mga checkpoint sa Elliptical Road sa Quezon City at N. Domingo sa San Juan.

Dumalo pa sina Abas at Eleazar sa kick off ceremony ng election period sa Camp Karingal sa Quezon City kagabi.

Ayon kay Abas, umaasa silang sa tulong ng PNP ay magiging maayos at mapayapa ang kabuuan ng election period na tatagal hanggang June 12.

Kasabay nito, umapela siya sa mga motorista na makipagtulungan sa mga otoridad sa mga checkpoint.

Nagbabala rin siya sa mga susuway sa gun ban.

“Since pumasok na ang election period natin sakop na siya ng Comelec rules so pag talagang nahuli ka, it wil be a violation of election laws at talagang ipoprosecute ka ng mga kasamahan natin sa Comelec as well as DOJ. So magkakaroon ka ng criminal complaint as well as administrative complaint,” saad ni Abas.

Nagpaalala naman si Albayalde ang mga pulis na tumalima sa checkpoint guidelines kung saan mahigpit na paiiralin ang “plain view” doctrine.

Kinakailangan din na sapat na naiilawan ang mga checkpoint ay well-lighted o nasa maliwanag na lugar, at ang mga mga opisyal na nangangasiwa roon ay nakauniporme.

May paalala naman si Eleazar sa mga motorista.

“So ang pakiusap natin sa ating mga kababayan, ibigay nila ang tamang kooperasyon, pag nakita nila yung semblance of legitimacy ng isang checkpoint, tumigil sila patayin ang headlight, buksan ang ilaw sa loob, ibaba ang bintana, iready ang mga papeles na pwedeng hingin, ang lisensya, or/cr at makipagcooperate,” ani Eleazar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?