35

Apr 16, 2020 @ 18:42
By

Mga OFW sa Turkey, humirit ng tulong sa DOLE

Humirit ang mga Pilipinong manggagawa sa Turkey sa Department of Labor and Employment (DOLE) na isama rin sila sa one-time financial assistance na ibinibigay sa mga overseas Filipino worker na naapektuhan ng krisis sa coronavirus disease 2019.

Sinabi ni Philippine Ambassador to Turkey Raul Hernandez na maraming OFW sa Turkey ang pansamantalang nawalan ng pagkakitaan dahil sa COVID pandemic at humihiling ng tulong sa gobyerno.

Hindi aniya kasali ang mga OFW sa Turkey sa ibinibigay na tulong pinansiyal ng DOLE kaya sumulat na ito kay Labor Secretary Silvestre Bello III para matulungan ang mga manggagawang Pinoy.

“Sa ngayon kasi hindi pa kasama iyong OFWs sa Turkey doon sa one-time financial assistance ng DOLE. Sumulat na po tayo kay Secretary Bello na i-reconsider iyong guidelines at isama iyong mga OFW,” ani Hernandez.

Sinabi ng ambassador na mataas din ang kaso ng COVID-19 sa Turkey at may isang Pilipina na COVID positive at ginagamot na sa isang pagamutan.

Gaya aniya sa Pilipinas, umiiral din ang lockdown sa Turkey at social distancing gayundin ang work from home at paggamit ng face mask.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?