57

Jun 21, 2020 @ 20:42

Mga OFW sa Saudi namumulot ng pagkain sa basurahan

Nag-viral sa social media ang video kung saan makikitang namumulot ng mga tira-tirang pagkain mula sa basurahan ang ilang manggagawang Pilipino sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ang grupo umano ng mga skilled worker na ito ay halos apat na buwan na umanong hindi sumasahod mula sa kanilang kompanya dulot ng coronavirus pandemic. Kapag may napupulot silang gamit na mapapakinabangan pa ay kinukuha na nila at ibinebenta para may ipambili ng prutas at gulay.

Kaugnay nito, sinabi ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto, na nagpapapansin lang ang mga Pinoy worker na nasa video sa pamumulot nila ng basura.

“If reports reaching me are true, I’m disappointed with some of our people who have resorted to theatrics to catch attention. Fact is food assistance was given. Mamulot ng basura? C’mon!” ayon tweet ni Alonto.

Giit niya, binigyan na ng food assistance ang mga Pinoy sa nasabing bansa at layunin na gumagawa na ng hakbang para mapauwi sila. “Well, exit visas need to be granted and more flights needed. That’s the truth. We are on it. Sana walang drama,” aniya.

Inamin naman ng mga Pinoy na nasa video na tumanggap na sila ng food pack mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO), pero hindi umano ito sapat.

Sa pahayag ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia, “Patuloy pong nakikipag-ugnayan ang POLO sa Team Time Company at sa Saudi Ministry of Human Resource and Social Development upang maisakatuparan ang pagpapauwi ng mga nasabing manggagawa.” (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?