65

Feb 15, 2020 @ 20:11
By

Mga OFW sa HK na naipit sa ‘Pinas, nagpasaklolo sa int’l court

Hiniling sa international court ng mga Pilipino na naka-base sa Hong Kong at na-stranded sa Maynila dahil sa travel ban sanhi ng coronavirus, na umapela sa Pilipinas para payagang makabalik sa special Chinese administration region.

Sa Facebook group #StrandedPH na binubuo ng 1,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Hong Kong, idinaan ng kindergarten na guro na si Joms Ortega ang kanilang apela sa International Court of Justice ng Hague.

Kasabay nito ay sinulatan din ng #StrandedPH ang foreign media ukol sa kanilang kalagayan.

“Some of our group administrators and moderators… created the letter, and pina-edit sa aming advisers. We sent it sa International Court of Justice para makalat ang information (so the information would spread in the) international community. The ban that was imposed was quite unfair,” ayon kay Ortega sa panayam ng DZMM.

Sa liham, iginiit nito na ang mga Pilipino sa Hong Kong ay may iba’t ibang trabaho, na kinabibilangan ng mga teachers, engineers, entrepreneurs, designers, pilots, flight attendants, journalists at domestic helpers.

Ayon kay Ortega, handa naman umano ang mga OFW na lumagda sa isang ‘waiver’ na sila ang nagnanais na makabalik sa Hong Kong sa kabila ng pagkakaroon ng nakahahawa at nakamamatay na COVID-19 outbreak.

“We are willing to take the risky path because we know we are covered by the health care system in Hong Kong. The HK government has also supported our fight to go back. Covered kami ng HK government, mas maaalagaan kami doon,” ani Ortega at iginiit na marami na sa kanila ang tinanggalan ng trabaho at karamihan ay mga domestic helper.

“Since wala sila doon, no work, no pay. Iba terminated na. Ang sa akin lang po bigyan n’yo po ng option ang ating mga kababayan. Option, in the sense na kung gusto n’yo papirmahin n’yo sila ng waiver. Give them the option. Willing po kaming mag-sign ng waiver at kami po ay nagpapasalamat kung ma-consider ito,” dagdag pa ng guro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?