605

Aug 25, 2019 @ 18:16
By

Mga OFW pumalag: Hindi kami komunista!

Tumutol ang grupo ng mga OFW sa pagpaparatang ng administrasyong Duterte na sila ay mga komunista at recruiter ng New People’s Army (NPA), ang armed group ng Communist Party of the Philippines.

Sa forum na isinagawa ng University of Negros Occidental-Recoletos at ng University of St. La Salle noong Sabado, Agosto 24, inakusahan ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Bacolod City na NPA recruiter ang Migrante International at iba pang grupong pinaglalaban ang mga karapatang pantao.

Tinututulan ng Migrante International ang paninirang ginagawa ng Philippine Army na ang layunin ay patahimikin sila at iba pang mga progresibong sektor.

Ayon sa grupo ng OFW, hindi naman sikretong hina-harass ng pamahalaan ang mga organisador, volunteer at manggagawa ng mga advocacy group at marami na ang dinudukot, tinotortyur at pinapatay.

Dagdag pa nila na ang bugso ng patayan sa Negros ay bunsod ng Memorandum Order No. 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte, at nilalagay sa panganib ang kanilang buhay sa pagbibintang sa kanila bilang komunista at maapektuhan nito ang pagtulong nila sa kanilang mga kapwa OFW.

“This will also take a toll on OFW victims being assisted by our Migrante chapters in Negros. Migrante Negros has always been active in raising the cases of OFW victims like when it sought justice for mistreated OFW Jessie Lloren who died last year just days after returning from Kuwait,” sabi ng Migrante.

Dagdag pa nila, umaabot na abroad ang pagbibintang sa kanila sa seminar na isinasagawa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na gumagamit ng pondo ng publiko.

Ayon sa Migrante, naglilibot na ang NTF-ELCAC sa mga embahada at konsulado abroad para lang siraan sila at buwis ng mamamamayan ang ginagamit pa nilang pang gastos.

“If Duterte’s militarist honchos think that Filipinos will just sit idly as the last fragments of our democratic rights are quashed, they are grossly mistaken. OFWs know very well that poverty is one of the root causes of the conflict because it is what forcibly drove them to work overseas,” sabi ng Migrante.

Dagdag pa nila, imbis na hanapan ng solusyon kung bakit nagaaklas ang ibang tao, lalo lang pinalalala ng administrasyong Duterte ang pangsusupil sa mga tao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?