396
npa

Mga NPA matagal ng gustong tirahin ng mga kaibigang bansa- Duterte

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na matagal ng gustong tirahin ng mga kaalyadong bansa gaya ng Israel at Amerika ang New People’s Army.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang pagbisita kagabi sa Masbate na nakikita ang mga NPA sa surveillance ng drone at helicopter ng nabanggit na mga bansa at nanggigigil na aniya na bombahin ang mga ito.

Pero siya lamang aniya ang pumipigil dahil ipapaubaya na lamang ang mga NPA sa mga sundalo at nagbakasakaling makumbinsing sumuko ang mga ito.

“Nakikita kayo sa drone, helicopter. Gusto nila na tirahin kayo diyan sa taas. Ako lang ang tiga-pigil. Sabi ko huwag na. Pasalubungin mo na lang ng sundalo, baka makumbinsi mo pang mag-surrender,” anang Pangulo.

Muling hinimok ng Presidente ang mga NPA na sumuko at bibigyan ng lupa at bahay, bukod pa sa livelihood sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Maaari aniyang pumili ang surrenderees ng kursong magagamit nilang panghanapbuhay sa kanilang pagbabagong buhay. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?