115

Nov 12, 2019 @ 19:31
By

Mga netizen nadugyutan, napangitan! Modern jeep palitan ng design – Villanueva

Hinikayat ni Senador Joel Villanueva ang Department of Transportation (DOTr) na baguhin o i-improve ang disenyo ng modernong public utility vehicle (PUV) ng Toyota na inendorsong maging kapalit ng pampasaherong jeepney.

“Hinihikayat natin ang DOTr na patuloy na pag-aralan pa ang modern public utility vehicle na napabalita kamakailan,” sabi ni Villanueva.

“Makatutulong sa pag-improve ng design ang mga suhestiyon ng ating mga kababayan upang mas mapaganda pa ang kasalukuyang itsura nito,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Villanueva ang pahayag matapos pintasan ng mga netizen ang bagong labas ng modernong PUV na anila’y “chaka”, “dugyot” at pangit na disenyo ng dyip.

Sabi ni Villanueva, dapat maging kumportable ang mga pasahero sa bagong dyip kaya’t mainam na pakinggan ang puna ng publiko sa sa disenyo ng naturang PUV.

“Napakahalaga na komportable ang ating mga pasahero kaya mainam na pakinggan ang mga puna tungkol sa design ng modern public utility vehicle,” ani Villanueva.

Ayon sa DOTr, ang Hilux Class Modern PUV ay isang airconditioned 12-seater vehicle na may CCTV, GPS at dashboard camera na nagkakahalaga ng P998,000 kada unit.

Ang nasabing sasakyan at nakapasa umano sa pamantayan ng gobyerno para sa jeepney modernization program.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?