47

Jan 8, 2022 @ 9:38

Mga netizen kay Ping: ‘Pagaling kayo, we need a leader!’

Hindi hahayaan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na maging hadlang ang pagiging positibo niya sa COVID-19 sa lahat ng kanyang mga kailangang gawin dahil plano niyang ipagpatuloy pa rin ang ilan sa mga ito habang naka-quarantine.

Ito ang tiniyak ni Lacson sa kanyang mga kasamahan at taga-suporta nitong Biyernes, kasunod ng pagbuhos ng ilang mga positibong tugon at komento mula sa kanila na ipinadaan sa kanyang mga opisyal na Facebook at Twitter account para sa agaran niyang paggaling.

“Pls (please) stay safe po, Sir. We need you as our leader,” sabi ng isa sa mga tagasubaybay niya sa Facebook gamit ang pangalang Li Mo. “Get well soon, Mr. Lacson. Stay safe always. Our country needs (you). God please heal this man,” sabi naman ni Nenita Aniz Abiera sa hiwalay na post.

“Wish you the best of health, sir. God Bless,” ayon sa netizen na si FRCBen sa Twitter na sinamahan pa ng prayer emoji. Ganito rin ang mensahe ng iba pang tweets na natanggap ni Lacson na ginamitan pa ng mga hashtag #WeNeedALeader at #LacsonMostQualifiedPresident.

Pinuri naman ng ilang netizen si Lacson dahil agad niyang ipinaalam sa publiko at sa lahat ng kanyang mga nakasalamuha ang resulta ng kanyang COVID-19 test. Naging dahilan ito para mahimok pa ang mas marami nating kababayan na seryosohin ang banta ng coronavirus, lalo pa ang mas nakahahawa nitong variant na Omicron.

“This is an eye opener to everyone to always take things seriously because our enemy isn’t visible to our naked eye. COVID isn’t a joke. So, please always practice the safety protocols,” pahayag ni Barbara Ortega sa kanyang komento.

Upang ipakitang maayos ang kanyang kalagayan, nag-post din si Lacson ng screenshot ng kanyang Zoom meeting kasama ng mga apo para sa online na pagdiriwang ng ika-16 na kaarawan ng kanyang apong si Checa. Naka-isolate pa rin ang presidential aspirant sa kanilang tahanan upang maiwasang mahawa ang iba pang miyembro ng kanyang pamilya.

Paulit-ulit na pinaalalahanan ni Lacson ang publiko na sundin ang payo ng mga awtoridad upang makaiwas sila sa banta ng COVID-19, lalo na kung kailangan nilang lumabas ng kanilang mga tahanan sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya.

“Doble ingat po tayong lahat. Magsuot ng face mask, mag-social distancing, umiwas sa mga matataong lugar at maghugas ng kamay. Please observe mandatory health protocols. Stay safe sa lahat! Para naman sa mga katulad ko na nag-positive sa Covid, magpalakas po tayo. Kaya natin malampasan ‘to! Get well soon!” aniya.

Habang naka-quarantine, aktibo si Lacson sa pakikipag-ugnayan sa kanyang mga tagasuporta online. Patuloy din siyang tumatanggap ng mga tanong mula sa mga mamamahayag at imbitasyon sa panayam sa radyo upang maipaalam sa publiko ang kanyang kalagayan pati na rin ang mga pananaw niya sa kasalukuyang mga isyu sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?