58

Dec 18, 2017 @ 19:01
By

Mga negosyante na magsasamantala sa Biliran, binalaan ng DTI

Binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyanteng magsasamantala sa mahirap ngayong sitwasyon sa lalawigan ng Biliran at mga karatig-lugar na sinalanta ng bagyong Urduja.

Partikular na binalaan ni DTI Secretary Ramon Lopez ang mga retailer at may-ari ng grocery stores na magtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Lopez, dahil nakataas doon ang state of calamity, hindi dapat gumalaw ang presyo ng mga bilihin at kailangang pumako ang presyo sa suggested retail price.

Nagpadala na aniya ang DTI ng mga team na sisiguro na makatwiran ang presyo ng mga bilihin sa mga binagyong lugar at para na rin magbabala sa mga hoarder at profiteers.

Nakipag-ugnayan naman daw sila sa DTI Cebu para masiguro ngayon at bukas ang mas maraming inuming tubig at iba pang suplay para sa mga binagyo.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. na 31 ang kumpirmadong nasawi at 49 ang nawawala sa mga lugar na hinagupit ni ‘Urduja’.

Sa Biliran ay naitala ang 23 nasawi, lima sa Leyte, isa sa Eastern Samar at dalawa sa Samar.

Sa 49 na nawawala, 33 sa Biliran, dalawa sa Romblon, tatlo sa Leyte at 11 sa Eastern Samar. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?