16

Oct 12, 2021 @ 16:27
By

Mga negosyante hayaang bumawi sa holiday season

Kinalampag ng business sector ang gobyerno na buksan na ang ekonomiya ngayong pababa na ang COVID cases sa bansa para makabawi sa pagkalugi at makapagpatuloy ng negosyo sa susunod na taon.

Sa Laging Handa press briefing, ipinaabot ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa Malacañang ang mensahe ng mga negosyante na kailangang magbukas na ng ekonomiya ngayong huling quarter ng 2020 para makabangon hanggang sa pagsampa ng 2022.

Marami aniyang bayarin ang mga negosyante ngayong holiday season gaya ng 13th month pay ng kanilang mga empleyado, mga utang sa bangko at supplier at ang babayarang buwis sa gobyerno kaya mahalagang magbukas na ang ekonomiya.

“We have to open the economy because this is the last quarter, this is the time when most negosyantes can get back what they lost in the previous months,” ani Concepcion.

Mula sa 30% capacity, hiniling din nito sa gobyerno na itaas ng hanggang 50% subalit para lamang sa mga fully vaccinated na mga indibiduwal.

Ang mga hindi pa ganap na bakunado, ani Concepcion, ay maaari pa rin namang lumabas at magtungo sa mga mall subalit dapat mayroon lamang lugar para sa mga ito at hindi makompromiso ang ibang tao.

“Ang objective dito is that only the fully vaccinated are the ones allowed greater mobility in these high-risk business establishments. Puwede namang lumabas yung unvaccinated sa malls pero sa mga lugar na determined as high risk business establishments like restaurants, they have to be vaccinated first,” dagdag ni Concepcion.

Kung maibaba aniya ng hanggang level 1 sa Nobyembre o Disyembre ang alert level sa Metro Manila ay mas maganda para maitaas ng hanggang 70% ang kapasidad ng mga tao at maging hudyat na rin ito para makabangon ang mga negosyo sa bansa na matinding pinabagsak ng pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?