116

Jan 17, 2020 @ 15:53
By

Mga nawalan ng tirahan sa Taal Volcano island, may lupang paglilipatan na

May nakita ng lugar ang Malacanang na maaaring gawing resettlement site ng mga residenteng nakatira sa paligid ng bulkang Taal.

Kasunod ito ng naging rekomendasyon ng Department of National Defense (DND) at Department of Science and Techology (DOST) na gawing “no man’s land” ang isla ng Taal para makaiwas sa peligro ang mga residenteng nakatira sa lugar.

Sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na tatlong ektarya ng lupain ang natukoy nila sa Bauan, Batngas at pagpapasyahan pa kung mga evacuee ang ililipat sa lugar o mga eskuwelahan.

Ang kalihim ay kasama sa launching ng “Duterte Legacy” sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City kung saan ihahayag sa publiko ng iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno ang mga nagawa na ng Duterte administration sa kalahati ng termino at ang mga gagawin pang mga proyekto at programa sa natitirang huling mga taon sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na maraming lupa sa Pilipinas na maaring paglipatan sa mga residenteng hindi na pababaliking tumira sa paligid ng bulkan.

Tiniyak ng kalihim na maglalaan ang gobyerno ng pondo para sa planong paglilipat ng lugar ng mga biktima nang pagsabog ng bulkang Taal.

“Oh eh di hahanapan natin kung saang lugar puwede, marami pa namang lupa ang Pilipinas eh. ‘Pag mayroong plano ang gobyerno, siyempre kailangan may budget, ilalagay siyempre sa budget iyan,” ani Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?