246

Dec 28, 2017 @ 20:02
By

Mga nasugatan sa paputok, 42 na – DOH

Umakyat na sa 42 ang bilang ng mga nadale ng paputok ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque, ang datos ay naitala mula noong December 21.

Mas mababa ang nasabing bilang ng 51 kaso kung ikukumpara sa mga naitalang insidente mula December 21-28, 2016.

Wala namang naitalang kaso ng stray bullet, at ang mga insidente ay pawang nagdulot ng pagkasugat sa mga biktima.

Umaasa si Duque na mas mababa ang maitatalang kaso sa pagsalubong sa 2018 dahil naaprubahan na ang Executive Order No. 28 na nagtatakda ng mahigpit na panuntunan sa paggamit ng mga paputok at pailaw.

Sa ilalim ng Executive Order, pinapayagan lamang ang paggamit ng paputok sa mga community fireworks display para mabawasan ang panganib ng mga nasusugatan dahil sa paputok.

Sa pagsalubong sa taong 2017, nakapagtala ang DOH ng kabuuang 630 kaso ng fireworks-related injuries mula December 21, 2016 hanggang January 5, 2017.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?