67
harry-roque2
By

Mga nakulong na embassy drivers sa Kuwait, pinalaya na

Sharing is caring!

Bumiyahe patungong Kuwait noong Martes ng gabi sina Presidential Spokesman Harry Roque, Labor secretary Silvestre Bello at iba pang opisyal matapos utusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para ayusin ang gusot sa nabanggit na bansa.

Batay sa ipinalabas na impormasyon ng tanggapan ni Roque, maluwag na tinanggap ng mga opisyal ng Kuwait ang delegasyon nina Bello at Roque sa Kuwaiti Interior Ministry.

Sa pulong ng mga opisyal, kinilala ng Kuwait ang importansiya ng mga Filipinos sa nabanggit na bansa.

Inaasahang malalagdaan ang memorandum of understanding na titiyak sa seguridad at kaligtasan ng mga manggagawang pinoy sa Kuwait.

Pumayag din ang Kuwait na bumuo ng special unit ng kanilang pulis para mahingan ng tulong ng Philippine Embassy 24 oras sakaling may reklamo ang mga OFWs at special number para sa assistance call bente kuwatro oras.

Sinaksihan din ng delegasyon nina Bello at Roque ang pagpapalaya sa apat na drivers ng embahada na inaresto ng Kuwaiti police matapos ang kontrobersiyal na rescue ng mga ito sa distressed OFWs noong Abril.

Napagkasunduan sa pag-uusap ng mga opisyal ng Pilipinas at Kuwait na lahat ng tinatayang 600 undocumented OFWs, maliban sa mga may kaso ay papayagang makauwi na ng Pilipinas.

Ayon sa tangggapan ni Roque, isasabay sa pag-uwi ng mga opisyal sa Pilipinas ang 150 OFWs.

Kabilang sa mga kasama nina Roque na bumiyahe sa Kuwait ay sina dating Labor Secretary Marianito Roque, Labor Attache’ Rustico dela Fuente, at Deputy Chief of Mission in Kuwait Mohd Noordin Lomondot.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?