157

Sep 19, 2021 @ 20:45
By

Mga nakatenggang bangkay sa QMC, iniimbestigahan

Sinisiyasat na ng Department of Health- Calabarzon ang mga nadiskubreng bangkay na nakatengga sa isang bahagi ng Quezon Medical Center sa lungsod ng Lucena.

Ito ang napag- alaman kay DOH- Calabarzon director Eduardo Janairo sa panayam ng ABS- CBN kung saan ipinalabas ang footage ng mga nabubulok na bangkay mula sa isang nagmamalasakit na kawani ng ospital.

Makikita sa video footage ang isang bangkay na inuuod na sa loob ng body bag gayong may kautusan ang DILG at DOH na ang mga namatay sa COVID ay kailangang madisposed sa loob lamang ng 12 oras.

Sinabi ni Dir. Janairo na ang gusto ng karamihan sa mga kaanak ng namamatay sa COVID- 19 virus ay ma-cremate ang bangkay ng mga ito.

Gayunman, dahil sa kakulangan ng crematorium sa lalawigan ng Quezon ay pwede rin aniyang i-seal sa body bag ang mga bangkay gayundin ang ataol na paglalagakan sa mga ito saka ilibing.

Ang Quezon Medical Center ang panlalawigang ospital ng Quezon na pinamamahalaan ni Dr. Rolando Padre at nasa ilalim ng pamahalaang panlalawigan na pinamumunuan ni Gov. Danilo Suarez.

Itinuro naman ni Dr. Padro ang sisi sa DILG at mga lokal government units bilang responsable sa mga bangkay.

Dismayado naman ang mga taga-Quezon sa naturang sitwasyon sa QMC. Anila, ang insidente ay pagpapatunay na ang pamahalaang panlalawigan ay hindi nakahanda sa patuloy na pagkalat ng sakit at paglobo ng bilang ng mga namamatay sa virus araw-araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?