43

Dec 23, 2017 @ 18:48
By

Mga nakalinyang biyahe ni Andanar sa abroad kinansela

Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawal na ang magbiyahe sa abroad simula Enero 2018, kinansela na ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang mga naka-schedule na biyahe nito sa susunod na taon.

Sinabi kahapon ni Andanar na tinawagan niya agad ang mga nag-imbita sa kanya sa abroad at ipinabatid ang utos ng Pangulo para alam ng mga ito.

Katunayan aniya ay ipinadala niya ang tape ng mismong utos ni Pangulong Duterte para ma-justify ang hindi na nito pagdalo sa mga naka-schedule na pupuntahan nito.

“Kinancel (cancel) ko na ‘yung mga naka-schedule sa akin na biyahe next year, that day itself noong sinabi ni Presidente. So tinawagan ko ‘yung mga nag-invite sa akin abroad tapos pinadalhan ko ng tape — noong announcement ni Presidente, ang sabi ko, hindi na ako tutuloy pasensiya na at iyan ang utos ni Presidente,” ang pahayag ni Andanar.

Kasabay nito hinimok ng kalihim ang ibang miyembro ng gabinete na sumunod sa naging kautusan ni Pangulong Duterte.

Matatandaang iniutos ng Pangulo na bawal nang bumiyahe sa abroad ang lahat ng mga nasa ehekutibo dahil pera aniya ng taumbayan ang winawaldas ng mga ito.

Ipinasisilip na rin ng Presidente ang records ng mga opisyal sa ehekutibo na panay-panay ang biyahe sa abroad para matukoy kung sino ang mga nagpasasa sa pondo ng taumbayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?