30,350

Jun 26, 2019 @ 16:27
By

Mga nakabalagbag na truck sa Maynila, ipapa-acetylene ni Isko

Nagbanta si incoming Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga may-ari ng truck na ipasisira at ipapa-acetylene niya ang mga ito kapag hindi inalis at patuloy pa ring nakabalagbag sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Partikular na tinukoy ni Domagoso ang mga truck na iligal na naka-park sa kahabaan ng tulay ng Del Pan, Road 10, Sta. Cruz at Paco at nagbabayad umano ng tig-P1,000 bawat isa kada araw sa mga chairman ng nasabing mga lugar.

“I am giving you a fair warning, mayroon pa kayong apat na araw para umayos at alisin ang mga truck na ‘yan. Pag nakabalagbag pa ‘yan sa mga lugar na ‘yan eh papoposasan ko ang mga chairman diyan at ipapa-acetylene ko ang mga truck na ‘yan para hindi na makapagpabigat sa daloy ng trapiko at makasira sa ating cultural heritage tulad diyan sa Paco Park na isang national park,” babala pa ng incoming mayor.

Sinabi ni Domagoso na sapat na ang ibinigay niyang panahon para magkusa ang mga chairman na ayusin ang kanilang mga lugar.

Gagawin niya aniya itong scrap para pagkakitaan at pakinabangan ng mga nangangailangan.

Ayon kay Domagoso, malakas ang loob ng mga truck driver na iwan o iparada ang kanilang mga truck sa R10 dahil may bayad umano itong P1,000 kada araw.

Aniya, ipinagbawal niya noong siya ay bise alkalde pa ng lungsod ang towing dahil may nakita siyang pang-aabuso ng gobyerno.

Gayunman, inaabuso umano ito ng ilan tulad na lang ng ginagawa ng chairman na nakasasakop sa Paco Park, na isang National Park, dahil halos apat na taon umano nitong hinayaan na bumalagbag sa nasabing lugar ang mga 40-footer na trailer truck.

“Huwag niyo kaming susubukan ginagawa namin ito upang malinis ang Maynila,” pahayag pa ng incoming mayor.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?