102

Dec 17, 2017 @ 9:49
By

Mga nagsimbang-gabi, hindi nagpatalo kay ‘Urduja’

Sa kabila ng pananalasa ng bagyong Urduja sa 20 lalawigan sa Visayas region at Southern Luzon, hindi natinag ang mga mananampalataya at dumagsa pa rin sa mga simbahan upang dumalo at makinig sa Banal na Misa sa unang araw ng simbang gabi kahapon.

Ayon sa mga pari na mula sa Diocese na apektado ng pananalasa ng bagyong Urduja, natutuwa sila dahil marami pa rin ang nagsimba sa kanilang mga parokya kahit walang tigil ang pag-ulan sa kanilang mga lugar na nasa ilalim pa rin ng storm signal number 1 at 2.

Sinabi ni Fr. Jenious Mansalay, social action director ng Diocese of Masbate na napuno pa rin ang kanilang simbahan kahit walang tigil ang pagbuhos ng ulan sa nakalipas na 24 oras.

Ayon naman kina Bishop Antonio Maralit ng Diocese of Boac at Gumaca Quezon Social Action Director Rev. Fr. Tony Aguilar, malakas ang ihip ng hangin sa kanilang mga lalawigan at may pagbugsong malalakas na ulan subalit tuloy pa rin anila ang pagdating ng mga mananampalataya para magsimba.

Samantala, aminado si Rev. Fr. Alcris Badana ng Palo, Leyte na nabawasan ang bilang ng mga nagsimba sa kanilang parokya dahil na rin sa masamang lagay ng panahon.

“May mga areas kasi na baha kaya hindi kasing dami kumpara noong nakaraang taon ang nagsimba,” ani Fr. Badana, risk reduction unit head ng Archdiocese of Palo.

Umaasa naman si Fr. Mark Granflor ng Archdiocese of Capiz at Rev. Fr. Ernie Larida ng Bacolod Negros Occidental, na mas lalaki ang bilang ng mga nagsisimba sa oras na gumanda na muli ang lagay ng panahon.

“Puno ang mga simbahan pero kung walang ulan umaapaw ‘yan” Ani Fr. Granflor Social Action director ng Archdiocese of Capiz,” ayon sa pari. (Mina Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?