By

Nagsabwatan sa Dengvaxia mess, ipinahahabol sa DOJ, Ombudsman

Sharing is caring!

Pinagsabihan ng Senate Blue Ribbon Committee ang Department of Justice (DOJ) at ang Office of the Ombudsman na magtulungan sa pagbuo ng kaso laban sa umano’y nagsabwatan upang mapabilis ang pagbili ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

Sa draft report na inakda ni Senador Richard Gordon, chairman ng komite na nagsiyasat sa Dengvaxia controversy, binigyang-diin na mahalagang magtulungan ang DOJ at Ombudsman para mapanagot ang responsable sa panganganib ngayon ng kalusugan at buhay ng mga nabakunahan.

“The DOJ and the Ombudsman are urged to collaborate in order to see to it that justice is done, that those who are accountable must be held to face cases,” saad sa draft committee report.

Hinikayat naman ni Gordon ang dalawang tanggapan na magpakuha na ng draft report, gayundin ng mga dokumento at transcript ng mga testimonya na nakalap mula sa mga pagdinig ng Senado.

Nakatitiyak si Gordon na titindig ang mga ito bilang ebidensiya laban sa mga natukoy ng komite na sangkot sa anomalya kaya dapat iyong gamitin ng DOJ at Ombudsman.

Huwag aniyang uulitin ang pagkakamali ng DOJ sa kaso ni Kerwin Espinosa.

Sa pagdinig ng Senado, umamin si Espinosa na nagbenta ng bulto-bulto ng shabu pero hindi iyon nagamit na ebidensiya laban dito dahil hindi kumuha ang DOJ ng transcript ng testimonya na ginawa nito sa Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?