79
magdalo-gary-alejano
By

Mga naghahari-harian

Sharing is caring!

Malaman at napapanahon ang naging homily ni Manila Archbishop Cardinal Tagle kamakailan ukol sa “pamamayagpag ng ng mga haring puno ng kayabangan at kapos sa kapakumbabaan”.

Walang nabanggit na pangalan kung sino ang kanyang pinatutungkulan sa kanyang Homily ngunit hindi maiiwasang sumagi sa isip ng ating mga kababayan kung sino ito lalo na at may pagkakahalintulad sa sitwasyon ng bansa natin ngayon.

Totoo na sa panahon ngayon, dahas, armas at pananakot ang namamayani at ang pangunahing biktima ay ang mga maliliit at mahihina. Nakita natin yan sa giyera kontra-droga.

Marami sa mga namatayan ng kaanak, asawa, anak, magulang ang aminadong bumoto kay Pangulong Duterte noong 2016 presidential election dahil sa kagustuhan nilang mailayo na sa masamang bisyo ang kanilang mga mahal sa buhay.

Pero hindi nila marahil inakala na sila ang magiging biktima ng taong kanilang iniluklok sa kapangyarihan habang ang mga malalaking druglords na siyang pinagmmulan ng bulto-bultong droga ay malaya at hindi man lang magalaw ng mga otoridad.

May narinig ba tayong malalaki at mayayamang tao na nanlaban umano at napatay ng mga pulis sa kanilang anti-illegal drug operations? Isa o dalawa? Inaabsuwelto pa nga ang iba na nasa listahan pamandin ng Pangulo at umamin pa na sangkot sa drug trade.

Habang ang mga mahihirap na siyang biktima rin ng mga druglord ay hindi man lang nabibigyan ng due process, ang mga bumiktima sa kanila ay malaya at nabubuhay ng marangya.

Samantala, pangigipit at pananakot din ang ginagamit ng kasalukuyang administrasyon sa mga oposisyon at kahit sa mga kaalyado nito. Para mapasunod ang lahat kahit mali at baluktot na ang mga patakarang ipinapatupad at taliwas na sa itinatakda ng batas, iba-ibang pamamaraan ng pangigipit at pananakot ang ginagamit ng administrasyon. Sa ganitong estilo ng pamamalakad, hindi marahil nila napagtatanto na mismong taumbayan at ating mga institusyon ang sinisira nila.

Pero nakakatuwa pa ring malaman na hindi kayang patahimikin ng isang “hari” ang lahat at may tumitindig pa rin laban sa mga maling polisiya. Sana ay magsilbing gabay ng lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mga “sumusunod sa mga hari na gumagamit ng dahas at armas”, ang mensahe ni Cardinal Tagle.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?