28

Dec 22, 2017 @ 15:21
By

Mga nabakunahan ng Dengvaxia, nagpasaklolo na sa SC

Dumulog na sa Korte Suprema ang isang grupo ng mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Ang mga petitioner na pawang mga kabataan mula sa Valenzuela City ay kinatawan ng kanilang mga magulang o ‘di kaya ay ng kanilang mga lola.

Pinangalanang respondents sa petisyon sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque; Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones; Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Officer-in-Charge Catalino Cuy; DOH-National Center for Disease Prevention and Control Director Lyndon Lee Suy; at Food and Drug Administration (FDA) Director General Nela Charade Puno.

Nais ng mga petitioner na atasan ng Korte Suprema ang gobyerno na bigyan ng libre at pangmatagalang serbisyong medikal ang mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Giit nila, hindi sapat ang pagkakaloob ng “monetary reward” bilang kompensasyon sa danyos o pinsala na idinulot sa kanila ng kontrobersiyal na bakuna.

Hinihiling din nila na atasan ng hukuman ang mga respondent na regular na ilahad sa publiko ang ulat ng binuong task force na nagmomonitor at nagsasagawa ng pag-aaral sa school-based immunization program kaugnay ng Dengvaxia at isumite ang ulat sa Committees on Health ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Dapat din umanong magsagawa ang DOH ng karagdagang pag-aaral kaugnay sa bisa at kaligtasan ng Dengvaxia at sa tulong ng DepEd at DILG ay lumikha ng registry na naglalaman ng lahat ng pangalan ng mga bata at lahat ng mga taong nabakunahan ng Dengvaxia. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?