67

Nov 7, 2017 @ 18:11
By

Mga motorista pinaiiwas sa EDSA habang may ASEAN 2017

Pinayuhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na iwasan ang North Luzon Expressway (NLEX) hanggang EDSA o kaya naman ay maghanda sa pagbibigat ng trapiko rito sa panahon ng pagdaraos sa bansa ng 31st ASEAN Summit sa Nobyembre 13 hanggang Nobyembre 15.

Ayon kay Emmanuel Miro, head ng Task Force MMDA ASEAN, patitigilin ng lima hanggang 20 minuto o higit pa ang trapiko kapag dumaan ang convoy ng mga head of state at delegado na manggagaling sa paliparan sa Clark, Pampanga hanggang sa pagdarausan ng mga ASEAN meeting sa CCP Complex at SMX Convention Center sa Pasay City.

“Stop and go ang mangyayari sa EDSA at sa iba pang dadaanan ng convoy. Bago dumaan ang convoy, hinto na ang traffic at palilipasin pa ulit ang ilang minuto hanggang makalayo ang convoy,” pahayag ni Miro.

Hindi naman umano masasabi kung magkakadikit-dikit ang oras ng stop and go traffic dahil depende ito sa pagdating ng mga bisita at sa itatagal ng mga seremonya pagdating nila sa paliparan dahil may mga sinusunod doong protocol.

Umaasa namang hindi magiging matindi ang pagsisikip ng trapiko dahil deklaradong walang pasok sa Kamaynilaan sa Nobyembre 13-15.

Samantala, maaapektuhan din ang biyahe ng MRT kapag mayroong convoy ng mga head of state at delegado sa kahabaan ng EDSA.

Kapag natiyempuhan ng pagdaan ng convoy ang pag-andar ng MRT, kailangang bumagal ang tren kung saan sasakay ang mga security officer para masigurong hindi roon makakalusot ang mga may pakay na manggulo.

Sa kabilang dako, ibinida ni Police Chief Inspector Nestor Begornia, head ng secretariat ng ASEAN Committee on security, peace and order, emergency preparedness and response, ang kanilang joint command center.

Gamit sa command center ang mga high-tech at high-definition na CCTV footage na nakatutok sa lahat ng lansangan na dadaanan ng convoy ng mga dadalo sa ASEAN Summit pati na sa biyahe ng mga ito mula at patungo sa kanilang tutuluyang hotel.

Bahagi ito ng pagtiyak ng mahigpit na seguridad para sa mga dadalo sa pagtitipon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?