819
Mga miyembro ng SSS na may utang, hinikayat mag-avail ng condonation program
Mar 25, 2019 @ 15:15
By

Mga miyembro ng SSS na may utang, hinikayat mag-avail ng condonation program

Pinaalalahanan ng Social Security System (SSS) ang mga miyembro nito na may mga naiwan pang utang na maaaring gumamit ng “Loan Restructuring Program (LRP) with penalty condonation” na magtatapos na sa Abril 1, 2019.

“Nanawagan kami sa aming mga miyembro na iwasan sana ang pagdagsa sa SSS. Hinihikayat namin ang mga miyembrong mayroon pang hindi nabayarang utang na magpasa na ng aplikasyon para sa LRP sa kahit saan mang sangay ng SSS bago pa ang huling araw ng aplikasyon nito sa Abril 1 upang maiwasan ang inaasahang dagsa ng tao sa nasabing araw,” sabi ni SSS Acting President and Chief Executive Officer Aurora Ignacio.

Binibigyan ng LRP with penalty condonation ng pagkakataon ang mga member-borrower na mabayaran ang kanilang mga nakalipas na utang kung saan aalisin ang multa sa pamamagitan ng conditional condonation.

Mula sa unang pagpapatupad nito noong 2016 hanggang noong Pebrero 28 ngayong taon, tinanggal na ang P21.5 bilyong multa at P23 bilyon utang ng mahigit sa 1.41 milyong member-borrowers naman ang na-restructure.

Maaaring bayaran ng mga miyembro ang kanilang utang sa loob ng 30 araw na walang karagdagang interes o mag-apply ng installment na aabot hanggang limang taon na papatawan ng mababang interes na tatlong porsiyento kada taon.

Kinakailangan ng mga aplikante ng LRP na magdala ng napunan na LRP form, valid identification documents, at Letter of Authority (LOA) kung sakaling authorized representative ang magsusumite ng aplikasyon.

Kabilang sa mga utang na sakop ng programang ito ang mga utang sa salary loan, emergency loan, educational loan (old), Study-Now-Pay-Later Plan, Voc-Tech Loans, Y2K Loans and Investment Incentive Loan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?