6,853
Mga miyembro ng Pasay Drug Enforcement Team, sibak sa extortion
Mar 6, 2019 @ 14:28
By

Mga miyembro ng Pasay Drug Enforcement Team, sibak sa extortion

Buong puwersa ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Pasay City Police Station 1 ang winalis sa puwesto nitong Miyerkoles, Marso 6 matapos na umano’y mangikil sa pamilya ng nakakulong na drug suspect.

Ayon sa report, nakatanggap ng reklamo ang Counter-Intelligence Task Force mula sa isang Joan dela Torre dahil sa pangongotong sa kanya ng P100,000 ng mga kagawad ng SDET para sa kalayaan ng ka-live in niyang si George Revilla na inaresto ng mga pulis dahil sa iligal na droga.

Agad ikinasa ang entrapment operation nitong umaga ng Marso 6 sa pangunguna ni NCRPO Chief, Director Guillermo Eleazar.

Dala-dala ni Dela Torre ang P100,000 na boodle money para sa mga pulis ng SDET pero kinapkapan siya kaya nadiskubreng may entrapment operation at nagsitakas ang mga pulis.

Isang pulis lang ang naaresto na kinilalang si PO3 Sajid Anwar Nasser.

Ang mga kasama nitong anim pang pulis ay nakatakas at natangay ang P100,000 boodle money.

Kasalukuyan nang tinutugis ang mga nakatakas pero ipinag-utos na ni Eleazar ang pagsibak sa lahat ng mga miyembro ng SDET maging ang hepe ng Pasay Police na si Senior Superintendent Noel Flores ay sinibak din.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?