45

Jan 7, 2019 @ 18:30
By

Mga may sakit ‘wag na sumama sa Traslacion – DOH Sec. Duque

Umapela ang Department of Health sa mga deboto na huwag nang sumama sa ‘Traslacion’ kung sila ay may karamdaman para matiyak ang kanilang kaligtasan at kalusugan.

Ang dagdag na payo pa ni Health Sec. Francisco Duque Jr., ay makakabuti na magdasal na lang sa kanilang bahay ang mga may sakit na deboto.

Sinabi pa ng kalihim na hindi naman mababawasan ang basbas ng Itim ng Nazareno sa mga deboto na hindi makakasama sa prusisyon sa Miyerkoles at maiintindihan naman ang kanilang hindi pagsama sa Traslacion.

Binanggit pa nito na sa mga nakalipas na Traslacion, karamihan sa mga sumama na deboto ay nakaranas ng pagtaas ng kanilang blood pressure.

Magpapakalat ang DOH ng 14 medical teams sa ruta ng prusisyon, gayundin ang Philippine Red Cross, Manila Health Department, MMDA at ibang medical emergency service groups.

Marami din sa mga deboto na susama sa Traslacion ay naniniwala na gagaling sila sa kanilang mga karamdaman.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?