53
Mga marking pen hindi na magkakaaberya – Comelec
May 7, 2019 @ 15:28
By

Mga marking pen hindi na magkakaaberya – Comelec

Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na wala nang problema sa mga marking pen na gagamitin sa eleksyon.

Katunayan anila ay mahigit isang milyong bagong markers na ang kanilang naipadala at makukumpleto bago matapos ang linggong ito.

Ayon kay Comelec spokeperson James Jimenez, isinailalim muna nila sa testing ang mga bagong marking pen upang matiyak na hindi mauulit ang problemang nakita sa unang batch nito.

Sinabi ni Jimenez na medyo matagal matuyo ang tinta ng unang batch ng markers.

Samantala, bukas pa rin ang Comelec na makipag-usap sa National Movement for Free Elections (NAMFREL) matapos tanggihan ng huli ang accreditation para maging partner sa eleksyon.

Gayunman, positibo rin si Jimenez na makahahanap pa rin sila ng bagong partners para sa random manual audit kahit kumalas ang NAMFREL.

Nariyan pa rin naman aniya ang mga naging partners nila noong 2016 na handa pa ring tumulong sa Comelec.

Inamin ng Comelec na nasorpresa sila sa pagtanggi ng NAMFREL sa accreditation para maging citizens arm ng komisyon.

Paliwanag ni Comelec Commissioner Louie Guia, tinanggihan ng NAMFREL ang accreditation matapos na hindi mapagbigyan ang kanilang kahilingan.

Sinabi ni Guia na hindi talaga nila kayang pagbigyan ang hinihinging access ng NAMFREL sa iba’t ibang logs na nasa Comelec server dahil kahit ang komisyon ay walang access dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?