26

Sep 14, 2021 @ 19:10
By

Mga manggagawa sa resto, karinderya balik trabaho na

Balik trabaho na simula sa Huwebes ang mga manggagawa sa mga restaurant, karinderya at iba pang katulad na kainan sa Metro Manila sa pagsisimula ng alert level system kontra COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sa pagsisimula ng pilot implementation ng bagong sistema ay nasa Alert Level No. 4 ang Metro Manila.

Sa ilalim ng Alert Level No. 4, pinapayagan na ang al-fresco at indoor dining basta masigurong kumpleto na ang bakuna ng mga manggagawa at mga empleyado.

Papayagan ang hanggang 30% capacity sa al-fresco dining para sa mga bakunado at hindi bakunado; 10% indoor dining naman para sa mga ganap na bakunadong kostumer.

“Nasa Alert Level No. 4 po tayo during this pilot implementation sa Metro Manila. Good news po ito ha, balik trabaho na ang mga manggagawa at empleyado sa mga restaurant, karinderya at mga kainan,” ani Roque.

Pinapayagan na rin ang pagbubukas ng health care service gaya ng barbershop, salon at nail spa ng hanggang 30 capacity kung outdoor ito gagawin, bakunado man o hindi ang kostumer habang 10% capacity lamang kapag indoor ito kailangan kumpleto ang bakunang kostumer at ng manggagawa.

Kabilang sa mga bawal sa Alert Level 4 ang indoor tourist attractions, libraries, museums, galleries at cultural shows.

Para sa religious gatherings, 30% capacity kung outdoor ito, bakunado man o hindi at 10% capacity kapag outdoor at dapat ay fully vaccinated ang mga dadalo sa misa at iba pang religious activity.

Pinapayagan naman ng Inter-Agency Task Force ang burol at lamay basta hindi namatay sa COVID-19 at limitado lamang ito para sa mga miyembro ng pamilya ng namatay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?