102
rally
Mar 27, 2018 @ 17:05
By

Mga manggagawa, nagsagawa ng sariling ‘sinakulo’ sa Mendiola

Nagsagawa ng sinakulo ang iba’t ibang grupo ng mga manggagawa sa Mendiola, Maynila.

Isa itong bersiyon ng pagkilos ng mga obrero bilang pagpapakita ng kanilang paghihirap sa araw-araw dahil sa mga ipinatutupad na mga bagong polisiya ng gobyerno na lubhang nagpapasakit sa kanilang hanay.

Nagbitbit ng kani-kanilang mga krus na may nakalagay na ‘Train Law, Extra-Judicial Killings, Cha-Cha at Federalismo”, nagdaos ng mapayapang kilos-protesta ang humigit-kumulang 500 mga manggagawa na mula sa grupong Freedom from Debt Coalition, Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Sustainability and Participation Through Education and Lifelong Learning at In Defense of Human Rights and Dignity Movement.

Kasabay nito ay nanawagan sila ng pagbabago sa mga pinaiiral na patakaran ng pamahalaan.

Sinamahan din sila ni Father Robert Reyes ng Diocese of Cubao na nanguna sa panalangin at nagbasbas sa mga dumalo.

Sigaw ng grupo, pasakit na ang inaabot ng mga Filipino sa ngayon partikular na ang mga maralita.

Hinaing nila ang mga posibleng mawalan ng trabaho dahil sa kontraktwalisasyon at tumataas na presyo ng bilihin dahil sa TRAIN law.

Ipinunto rin nila ang kakulangan sa social services at proteksyon sa mga mamamayan gayundin ang pagbabalik ng Oplan Tokhang.

Samantala, bahagya namang nagdulot ng abala sa trapiko sa Mendiola ang programa ng grupo na tumagal ng ilang oras.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?