72

Oct 2, 2019 @ 18:10
By

Mga makina sa paggawa ng pekeng sigarilyo, winasak

Sinira ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga makina para sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo na nakumpiska sa mga isinagawang pagsalakay sa Misamis Oriental at Leyte.

Maging ang mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon ay winasak din ng ahensiya.

Sa ulat kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, sinabi ng BIR na dinala nila ang mga makina at pekeng sigarilyo sa isang waste disposal facility sa Cagayan de Oro at winasak na ang mga ito noong nakaraang buwan.

Kasama sa mga kinuha at sinira ay ang mga raw material at packaging supplies na ginagamit sa paggawa ng pekeng sigarilyo.

Sinaksihan umano ito ng mga kinatawan mula sa Commission on Audit, National Bureau of Investigation, local government units, local press at revenue regional offices.

Ayon sa mga ulat na natanggap ni Dominguez, hindi na sigarilyo ang pinupuslit sa bansa kundi mga makina na galing ng China.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?