193

Jun 16, 2019 @ 18:13
By

Mga mahihirap, binigyan ng trabaho ng Grab

Kinilala ng Grab Philippines bilang bagong delivery-partner ang 75 riders na urban poor matapos ang isinagawang serbisyo Caravan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) kahapon, Hunyo 14.

Nagkaroon ng on-the-spot accreditation para sa transport network vehicle service (TNVS) ang Grab PH sa nasabing Caravan para maging GrabFood riders ang mga mahihirap na nagmamay-ari ng motor.

Ayon kay PCUP Chairperson/CEO Alvin Feliciano, “Karamihan sa mga kababayan natin sa urban poor areas ay may mga motor kaya pinakiusapan namin ang Grab na sumama sa mga Caravan na sakop ng service area nila para makapagbigay ng alternatibong livelihood.”

Isa ang Grab PH sa mga private partner ng PCUP na nagbibigay ng livelihood opportunity sa mga mahihirap.

Ang hakbang na ito ay ginawa ng komisyon upang makatulong sa pagtugon sa problema ng maralita sa employment at livelihood.

“Sa Grab, hindi na basehan ang taas ng pinag-aralan o ang kurso na tinapos mo kaya sakto ito sa mga mahihirap nating kababayan na gustong may pagkakitaan,” dagdag ni Feliciano.

Sa ngayon, ang mga bagong TNVS riders ay mag-operate sa lungsod ng Imus at Bacoor sa Cavite bilang pagpapalawig ng serbisyo ng Grab sa nasabing probinsya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?