197

Jan 25, 2019 @ 11:34

Mga magulang, sindikato, dapat parusahan sa mga ‘batang kriminal’ – De Lima

Inihain ni Senadora Leila de Lima ang panukalang batas na naglalayong patawan ng pinakamabigat na parusa ang mga magulang, kaanak, guardian at sindikato na magtutulak sa mga bata na gumawa ng krimen.

Sa kaniyang Senate Bill 195, ipinapapataw ang maximum o pinakamatagal na panahon ng pagkakabilanggo at multa laban sa mga ito depende sa krimen alinsunod sa umiiral na Revised Penal Code (RPC).

Sinabi ni De Lima na ang nagsasamantala sa mga bata ang dapat na puntiryahin sa halip na ang mga bata mismo ang gustong ipakulong.

Dapat umanong ituring ang mga bata na biktima sa halip na kriminal.

“Children are among the marginalized and must vulnerable in society. They must be protected from predators. These include parents and criminals who take advantage of their vulnerability,” diin ni De Lima.

Binuhay ang panukala sa gitna ng pagsusulong na ibaba sa 12 ang kasalukuyang 15 taong gulang na minimum age of criminal responsibility (MACR).

Sa kaniyang panukala, pananatilihin ang nakatadhana sa Juvenile Justice Law na ituturing na bata ang hindi pa sumasapit sa 18 taong gulang.

Ligtas sa kalaboso ang hindi pa sumasapit sa 18 taong gulang pero obligadong ipasok sa intervention program ang mga nasa edad 15 hanggang bago sumapit sa 18. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?