77

Feb 9, 2018 @ 16:42
By

Mga magulang pinakakalma ng Palasyo sa ‘bakuna scare’

Pinayuhan ng Malakanyang ang mga magulang ng mga estudyante na huwag matakot sa vaccination program ng gobyerno dahil mas peligroso kung hindi mabakunahan ang mga bata laban sa iba’t ibang sakit.

Sa harap na rin ito ng pagtutol ng mga magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak bunsod na rin ng takot na matulad sa sinapit ng mga batang namatay sa Dengvaxia vaccine.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na naiintindihan ng Palasyo ang pangamba ng mga magulang subalit tiniyak na mananagot ang mga mapapatunayang nagkasala sa pinsalang idinulot ng Dengvaxia vaccine.

Nagpapatuloy pa aniya ang imbestigasyon laban sa mga dating opisyal na may kinalaman sa pagbili ng nabanggit na bakuna.

Sinabi ni Roque na mayroon ng measles outbreak sa ilang lugar sa bansa kaya dapat alisin ang takot para malunasan ang mga batang dinapuan nito.

“Nananawagan po ang Palasyo sa mga nanay at tatay. Hindi po lahat ng vaccines ay masama, in fact on going pa po ang imbestigasyon sa Dengvaxia. Mas masama po kapag itigil natin ang mga bakuna laban sa mga sakit na alam natin na nakamamatay na rin.

Naintindihan po namin iyong paga-atubili ng mga magulang, pero dahil nga po dito sa pagkatakot sa bakuna nagkakaroon na ngayon ng mga measles outbreak eh dati po wala na dapat measles,” ani Roque.

Mas delikado aniya kapag hindi nagpabakuna ang mga bata sa ibang sakit dahil matagal ng mayroong programa ang Department of Health (DOH) para matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga batang pinoy sa bansa.

Pinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre, si VACC chair at ngayon Chairman ng Presidential anti-Graft Commission Dante Jimenez at Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta at tiniyak na papanagutin ang mga dapat managot sa dengvaxia issue.

Inatasan din ng Pangulo ang lahat ng pampublikong ospital na gamutin ang mga batang naturukan ng dengvaxia at sasagutin ng gobyerno ang gastos sa gamot ng mga ito.

Napagkasunduan din na kumuha ng mga dayuhang clinical pathologist kung kinakailangan para tukuyin kung ang ikinamatay ng mga bata kamakailan ay dahil sa dengvaxia vaccine.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?